Mahigit sa 8,000 pamilya sa Catanduanes inilikas dahil sa bagyong ‘Bising’
Umabot sa kabuuang 8,205 pamilya o 32,491 indibiduwal ang inilikas sa Catanduanes dahil sa pananalasa ng bagyong Bising.
Karamihan sa mga inilikas na residente ay mula sa coastal areas at mga lugar na lantad sa banta ng pagbaha at pagguho ng lupa.
Sa ulat ni UNTV Correspondent Dan Gersalia sa programang Ito Ang Balita, halos dalawang araw nang nararamdaman sa Catanduanes ang mga pag-ulan at hanging dala ng bagyo.
May ilang insidente na rin ng minor landslide ang naitala, maging ang pagtaas ng antas ng tubig sa mga ilog sa ilang bahagi ng Catanduanes.
Sa bayan ng San Andres, may ilang poste na rin ng kuryente ang natumba habang wala namang supply ng kuryente sa ilang bahagi ng lalawigan matapos itong putulin mula pa noong Linggo ng tanghali bilang paghahanda sa bagyo.
Sa bayan ng Virac, may ilang lugar ding nawalan ng supply ng tubig bilang bahagi ng preventive shutdown measures ng water service provider.
Gumagana naman ang mga linya ang komunikasyon sa lalawigan.
Tiniyak ng lokal na pamahalaan na patuloy ang pamamahagi ng ayuda sa mga pamilyang inilikas dahil sa bagyong Bising.
Ang Catanduanes ay nasa ilalim ng Tropical Cycline Wind Signal number two, pati na ang ilang bahagi ng Camarines Sur, Albay, Sorsogon, Northern Samar, at Samar at Eastern Samar.
Nakataas naman ang Signal Number One ilang bahagi ng Cagayan, Isabela, Quirino, Aurora, Quezon kabilang na ang Polillo Islands, Camarines Norte, Masbate kabilang na ang Burias at Ticao Islands, Biliran, Leyte, at ang nalalabing bahagi ng Camarines Sur, Albay, Sorsogon, Samar at Eastern Samar, pati na ang dulong bahagi ng Cebu kabilang na ang mga isla ng Bantayan at Camotes.
Ayon sa PAGASA, maaaring makaranas ng malalakas na pag-ulan hanggang sa araw ng Martes ang mga rehiyon ng Bicol at Northern Samar pati na ang ilang bahagi ng Aurora at mainland Cagayan at Isabela.
Sa pagtaya ng PAGASA, maaaring kumilos lumayo ang bago sa kalupaan ng Luzon sa araw ng Miyerkules o Huwebes.