Ilang bahagi ng Bicol region binaha at walang kuryente dahil sa epekto ni ‘Bising’
Baha na sa ilang panig ng Camarines Sur dahil sa walang tigil na pag-ulan bunsod ng bagyong Bising.
Kabilang sa mga binaha ang Himagtocon Lagonoy Spillway kaya hindi ito ngayon madaanan ng lahat ng uri ng sasakyan.
Malakas na ulan rin ang nararanasan ngayon sa Bicol region kaya nagpatupad na ng forced at pre-emptive evacuation sa landslide at flood-prone areas ang mga lokal na pamahalaan.
Sa tala ng Office of the Civil Defense Region 5, aabots sa 27,211 pamilya ang pansamantalang nanunuluyan sa iba’t ibang evacuation centers sa rehiyon.
Paalala naman ng Department of Health sa mga lokal na opisyal na magtalaga ng safety officers na magsasagawa ng clinical at exposure assessment sa lahat ng mga nasa evacuation center upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19 at iba pang uri ng sakit.
Sa Camarines Norte, nawalan ng supply ng kuryente ang ilang lugar dahil sa malalakas na hangin at natumbang mga puno.
Agad namang naalis ang mga punong nakahambalang sa mga kalsada kaya’t maaari pa itong daanan ng mga sasakyan.
May napaulat ding 959 na mga pasaherong naipit sa iba’t ibang pantalan sa Bicol matapos suspindihin ang biyahe ng mga barko.
Hindi rin pinayagang dumaan sa Maharlika Highway sa bayan ng Pilar, Sorsogon ang 87 truck upang maiwasan ang pagdami ng mga truck sa Matnog port.
Sa ngayon ay patuloy pang inaalam ng pamahalaan ng panlalawigan ang pinsala ang bagyong Bising sa rehiyon. – RRD (mula sa ulat ni Correspondent Bryan Baldaraje)