DOH, umapela sa mga magulang na huwag dalhin sa mall ang mga bata

Robie de Guzman   •   November 15, 2021   •   421

MANILA, Philippines – Nanawagan ang Department of Health (DOH) sa mga magulang na huwag dadalhin ang kanilang mga anak sa mall sa gitna pa rin ng banta ng COVID-19 sa bansa.

Ginawa ng DOH ang panawagan matapos mapaulat na isang 2-taong gulang na bata ang nag-positibo sa COVID-19 matapos mamasyal sa mall.

“Kung saka-sakaling kailangan nating lumabas, kung pupunta tayo sa mataong lugar, huwag na po nating isama ang ating mga kabataan,” ang wika ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire.

Mula nang isailalim sa COVID-19 Alert Level 2 ang Metro Manila ay pinapayagan na ang paglabas ng mga bata.

Ngunit paalala ng DOH, dapat pa ring iiwas ang mga bata sa mga matataong lugar dahil maaari pa rin silang mahawa ng sakit.

“Please remember the very reason why children were allowed to go out — it’s because of their health. The three major reasons why we wanted them out is because they can exercise outside, they can get sunlight, they can interact with other children. But not for them to be brought into this crowded establishments like malls,” ani Vergeire.

Sinang-ayunan rin ng Philippine Medical Association ang panukalang huwag munang dalhin ang mga bata sa mall at iba pang mga kahalintulad na lugar.

Ayon kay PMA President Dr. Benito Atienza, mataas ang banta na mahawa ang mga bata lalo’t karamihan sa kanila ay hindi pa nababakunahan.

“Kahit anong level ang ipatupad po natin, ang hinihiling po natin sa ating mga kababayan, lalo po sa mga magulang, huwag po muna nating dalhin sa mga mall ang ating mga anak yung lalo po yung mga 11 years na pababa kasi wala pa pong available na bakuna sa kanila kasi sinasabi po natin, baka mamaya ma-expose sila,” ani Atienza.

Mas mainam pa aniya kung sa mga park at iba pang open spaces dalhin ang mga bata upang makapaglaro.

“Kailangan po nila, dalhin sila sa mga park na yung maluluwag at kaya pong ano yung social distancing. Huwag po muna yun mga indoor,” ani Atienza.

Samantala, posible namang repasuhin ng Metro Manila Council ang panuntunan sa paglabas ng mga menor de edad.

Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority Chairman Benhur Abalos Jr., pinagtutuunan nila ng pansin ang paglabas ng mga bata sa mga lugar na tinaguriang 3Cs o closed spaces, crowded places, at close-contact settings.

“So, these are the things to be determined. Pupuwede ba sila dito, anong edad, baka ma-suffocate, sa open spaces pwede na ba, yung ganoon di ba? Pero mas concerned tayo sa 3Cs,” ang pahayag ni Abalos.

Nangako naman ang Metro Manila Council na agad na maglalabas ng desisyon ang mga alkalde batay sa rekomendasyon ng mga eksperto pagkatapos ng kanilang pagpupulong.

Commuters na hindi bakunado vs COVID-19, hindi aarestuhin – PNP

Robie de Guzman   •   January 18, 2022

MANILA, Philippines – Hindi magpapatupad ng aresto ang Philippine National Police (PNP) sa mga pasaherong hindi pa bakunado laban sa COVID-19 sa gitna ng ipinaiiral na “no vaccination, no ride” policy sa mga pampublikong sasakyan sa Metro Manila.

Ayon kay PNP spokesperson Police Colonel Roderick Augustus Alba, papayuhan at pauuwiin lang sa kani-kanilang mga bahay ang mga pasagerong hindi papayagang sumakay sa mga pampublikong sasakyan.

“No arrest will be effected except for specific violations of law that authorized lawful arrest of offenders,” ang wika ni Alba.

Ang PNP ay isa sa law enforcement agencies na katuwang ng Department of Transportation (DOTr) sa pagpapatupad ng nasabing polisiya.

“Naging matagumpay po ang unang araw ng ‘no vax. no ride’ policy ng PNP, DOTR at LTFRB sa kalakhang Maynila, hindi natin pinahihintulutang sumakay sa mga pampublikong sasakyan ang mga walang maiprisintang katibayan na sila bakunado,” ani Alba.

Sa ilalim ng polisiya, hindi papayagang sumakay ang mga hindi bakunado laban sa COVID-19 at walang maipakitang katunayan o dokumento.

Hindi naman nito saklaw ang mga may medikal na kondisyon kaya hindi nabakunahan at ang mga lumalabas ng bahay para sa essential goods and services.

“Ang mga hindi nabakunahang pasahero na nameet naman ang criteria for exemption to the policy ay pinapayagang sumakay at bumiyahe,” ani Alba.

Hindi rin sakop ng polisiya ang mga manggagawang itinuturing na essential workers o nagbibigay ng mahahalagang serbisyo sa publiko.

Una nang ipinaalala ng DOTr na dapat may maipakitang kaukulang dokumento gaya ng medical certificate o iba pang katunayan ang isang indibiduwal upang ma-exempt sila sa nasabing polisiya.

Kung may medical check-up o examination, magtatrabaho, bibili ng essential goods, mag-a-apply ng lisensya, passport at iba pa, kailangan lang din na magpakita ng mga pruweba ng pagpunta sa mga kaukulang lugar gaya ng identification card sa mga empleyado, medical o exam appointment, barangay health pass at iba pa.

Kung fully vaccinated na, dapat ay dala ang vaccination card.

Samantala, plano naman ng PNP na magpakalat ng mga tauhang magsisilbing “mystery passenger” sa mga pampublikong sasakyan na magbabantay sa mga tsuper at konduktor na lalabag sa ipinatutupad na health protocols.

Kukunin ng mga ito ang plate number ng sasakyan at ang ruta nito at para sa karampatang aksyon.

Nagbabala naman ang PNP sa mga gumagamit ng pekeng vaccination cards na maaari silang makulong ng hanggang anim na buwan at magmulta ng hanggang P50,000. (mula sa ulat ni Correspondent Lea Ylagan)

 

3,500 COVID-19 vaccine booster shots, ilalaan sa pilot run sa ilang botika – Malakanyang

Robie de Guzman   •   January 18, 2022

MANILA, Philippines – Aabot sa 3,500 shots ng COVID-19 vaccine booster ang ilalaan ng pamahalaan sa isasagawang pilot run ng booster sites sa ilang botika at klinika sa bansa.

Ayon kay acting presidential spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles, sa Enero 20, araw ng Huwebes, magsisimula ang pilot rin sa pitong botika at klinika na kinabibilingan ng Mercury Drug, Watsons, the Generics Pharmacy, Generika, South Star Drug , QualiMed at Healthway.

Ayon kay Nograles, 100 booster shots ang nakalaan sa bawat pharmacy kada araw at may kabuuan namang 3,500 doses sa loob ng isang linggong pilot run.

Nilinaw naman ng opisyal na kailangan pa ring magparehistro sa lokal na pamahalaan bago makapagpaturok ng booster dose sa mga nasabing pasilidad.

Ayon kay Nograles, ang mga lokal na pamahalan ang mangangasiwa sa registration at documentation habang ang mga pasilidad naman ang mangangasiwa sa aktuwal na pagtuturok ng booster dose.

“Kailangan po nating magpa-rehistro so that we can make sure na ang pupunta lamang sa mga botika are those that need booster shots,” paliwanag ng opisyal.

Pagkatapos ng isang linggong pilot implementation, palalawigin ang programa sa iba pang botika sa bansa.

Muli namang paalala ng mga otoridad na ang maaari lamang turukan ng booster shot ay ‘yung mga nakatanggap na ang kumpletong dose ng bakuna at tatlong buwan na ang nakalipas mula nang maturukan ng bakuna.

Ang hakbang ay kaugnay ng layunin ng pamahalaan na maabot ang 90 milyong target na bilang ng fully vaccinated na mga Pilipino sa pagtatapos ng ikalawang bahagi ng taong 2022.

Sa ngayon ay nasa 55 milyon na ang fully vaccinated kontra COVID-19 sa Pilipinas. (mula sa ulat ni Correspondent Rosalie Coz)

 

Kaso ng Omicron variant naitala sa 15 lugar sa Metro Manila – DOH

Robie de Guzman   •   January 18, 2022

MANILA, Philippines – Labinlimang lugar sa Metro Manila na ang nakapagtala ng local case ng Omicron COVID-19 variant, ayon sa Department of Health (DOH).

Ayon kay DOH Epidemiology Bureau director Dr. Alethea de Guzman, ikinokonsidera nang predominant variant ang Omicron sa Metro Manila batay sa resulta ng pinakahuling whole genome sequencing run.

“Our latest whole genome sequencing showed that the Omicron variant is now the predominant variant in the National Capital Region, It’s also detected in 13 of 17 regions and in the National Capital Region, 15 of its 17 areas already have local Omicron cases,” ang wika ni De Guzman.

Hindi na tinukoy ng DOH ang mga nasabing lugar pero ayon kay De Guzman, mabilis ang pagkalat ng nasabing variant na maaaring bunsod na rin ng paglabas ng mga tao at hindi lubos na pagsunod ng iilan sa public health protocols.

“These case increases that we’ve seen especially in the National Capital Region is driven by Omicron but is also facilitated by our increased mobility, our reduced compliance to minimum public health standards, as well as delays in our detection and isolation,” ani De Guzman.

Bukod sa Metro Manila ay napansin rin ng kagawaran ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa lahat ng rehiyon sa bansa.

“We have now observed an increase in cases across all regions and all provinces, highly-urbanized cities and independent component cities but there are still areas whose counts are lower than what we are seeing now in the NCR Plus but we’re already seeing continuous and swift increases,” ani De Guzman.

Una nang sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na nasa critical risk classification ang Pilipinas sa kabila ng pagbagal ng growth rate ng COVID-19.

Ngayong Martes, 28,471 bagong kaso ng COVID-19 ang naitala sa bansa. Ito ang unang pagkakataon ngayong linggo na mas mababa sa 30,000 ang napaulat na kumpirmadong kaso ng coronavirus disease sa Pilipinas. (mula sa ulat ni Correspondent Nel Maribojoc)

REACH US

The Philippine Broadcast Hub

UNTV, 915 Barangay Philam,

EDSA, Quezon City M.M. 1104

(+632) 8396-8688 (Tel)

info@untv-newsandrescue.com (General inquiries)

ABOUT UNTV

UNTV is a major TV broadcast network with 24-hour programming. An Ultra High Frequency station with strong brand content that appeal to everyone, UNTV is one of the most trusted and successful Philippine networks that guarantees wholesome and quality viewing experience.