Close contacts ng Pinoy na may UK COVID-19 variant na ‘di nakikipagtulungan sa otoridad, mahaharap sa parusa – DOH

MANILA, Philippines – Maaaring maharap sa parusa ang sinomang close contact ng Pilipinong nag-positibo sa UK variant ng COVID-19 na hindi makikipagtulungan sa mga otoridad, ayon sa Department of Health (DOH).
Inilabas ng DOH ang babala sa gitna ng ginagawa nitong contact tracing sa lahat ng nakasalamuha ng Pilipinong nagkaroon ng UK coronavirus variant matapos bumiyahe palabas ng bansa noong Disyembre.
Una nang iniulat ng DOH na ang Pilipinong naimpeksyon ng UK COVID-19 variant ay bumiyahe pa-United Arab Emirates noong Disyembre. Umuwi ito sa bansa nitong Enero 7 kasama ang kanyang kasintahan sakay ng eroplanong may lulang 159 iba pang mga pasahero.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, 92 porsiyento o 146 na ng close contacts ng pasyente ang nakausap ng DOH. Ang nalalabing 13 naman ay hindi pa umano tumutugon o kaya ay kinakansela ang kanilang tawag.
Paalala ni Vergeire na sa ilalim ng batas, maaaring maharap sa multa o parusang pagkakakulong ang sinomang close contacts ng pasyente na hindi makikipagtulungan sa mga otoridad.
“There is this violation, we have a law, RA 11332, law on notifiable diseases… Maaari po tayong magkaroon ng mga sanctions for these persons especially kung talagang kasama siya as contact siya, and the risk of him spreading the diseases ay nandoon,” ang wika ni Vergeire.
Ayon kay Vergeire, nasa quarantine facilities na ang ilan sa close contacts ng UK variant-positive na pasyante habang ang ilan naman ay pinayagang mag-home quarantine alinsunod sa panuntunan. – RRD (mula sa ulat ni Correspondent Aiko Miguel)