Mga paaralan na tutuloy sa pilot limited face-to-face classes, nasa 30 na lang

Aileen Cerrudo   •   October 20, 2021   •   155

Mula sa inisyal na 59 na mga paaralan na lalahok sa pilot implementation ng face-to-face classes, 30 na lamang ang matutuloy sa November 15, matapos na umatras ang ilang mga eskwelahan.

Ayon kay DepEd Asec. Malcolm Garma, aminado ang Department of Education (DepEd) na nahihirapan silang kumpletuhin ang higit 100 paaralan para sa pilot run ng limited face-to-face, lalo’t may mga magulang na ayaw pa ring papasukin ang pisikal ang kanilang mga anak sa mga eskwelahan dahil sa pa rin sa takot na mahawa ng COVID-19.

“Noong nag-report ang mga regional directors natin ang 59 na iyon ang makakapagpatuloy lang ay 30 kasi nga iyong iba ayaw na ng local government unit (LGU), umatras na sila. Iyong iba ayaw ng magulang o ang iba tumaas ang cases,” ani Garma.

Sa update ng DepEd, tatlong paaralan na lamang sa Region 5 ang tutuloy sa face-to-face classes, tatlo sa Region 6, walo sa Region 7, walo rin sa region 9, anim sa Region 10, at dalawa sa Region 12.

Ang mga nasabing paaralan ay magmumula sa probinsya ng Masbate, Antique, Cebu, Zamboanga Sibugay, Zamboanga del Sur, Lanao del Norte at North Cotabato.

Bagaman umatras ang 29 na eskwelahan, patuloy pa rin ang assessment ng DepEd sa mga paaralan para mapunan at makumpleto ang target nitong 120 schools bago ang simula ng face-to-face classes sa November 15.

Ayon kay Garma, higit 40 paaralan ang patuloy nilang bina-validate na nais ring makilahok sa physical classes. 

“Madadagdagan pa iyan. In fact based on the unofficial tally that we have, it can already reach as of yesterday to 70 pero we need to revalidate,” ayon kay Garma.

“Mayroon pong mga LGU na humihiling na sana masama din ang kanilang mga lugar, ang mga eskwelahan sa kanilang mga lugar. Ngunit kailangan pa rin po nating suriing mabut,” dagdag pa nito.

Samantala, nag-abiso narin ang DepEd sa mga pribadong eskwelahan na nais makilahok sa physical classes na hanggang sa October 22 nalang ang submission ng requirements para sa face-to-face classes. (ulat ni Janice Ingente)

REACH US

The Philippine Broadcast Hub

UNTV, 915 Barangay Philam,

EDSA, Quezon City M.M. 1104

(+632) 8396-8688 (Tel)

info@untv-newsandrescue.com (General inquiries)

ABOUT UNTV

UNTV is a major TV broadcast network with 24-hour programming. An Ultra High Frequency station with strong brand content that appeal to everyone, UNTV is one of the most trusted and successful Philippine networks that guarantees wholesome and quality viewing experience.