
MANILA, Philippines — Sa gitna ng nararanasang pandemya, paulit-ulit ang panawagan ng mga otoridad sa publiko na sumunod sa minimum health protocols upang makaiwas sa novel coronavirus disease (COVID-19).
Kabilang na rito ang palagiang pagsusuot ng face mask, face shield, social distancing, paghuhugas ng kamay at disinfection.
Ngunit kung dinapuan pa rin ng COVID-19 sa kabila ng pag-iingat, payo ng Department of Health (DOH) na makipag-ugnayan sa health emergency response team ng barangay upang magabayan sa mga nararapat gawin.
Kung naka-home quarantine ang pasyente, pinapayuhang limitahan ang pakikisalamuha sa mga kasama sa bahay at siguraduhing may tamang bentilasyon at air circulation ang silid.
Payo rin ng DOH sa mga naka-home quarantine na maghanda ng “COVID-19 Care kit” na magagamit oras na makaramdam ng sintomas ng COVID-19 lalo na’t puno ngayon ang maraming ospital sa Metro Manila.
Ayon sa DOH, dapat naglalaman ng thermometer, ilang gamot at mga aparato ang COVID-19 Care kit.
Importante ring magkaroon ng oximeter upang malaman kung may sapat pang oxygen ang katawan ng pasyente. Ang oxygenation level ay hindi dapat bababa sa 94 porsiyento.
Dapat ding lakipan ng vitamins C, D at Zinc ang care kit upang mapalakas ang immune system ng isang tao. Samahan na rin ng disinfectant at face mask ang care kit.
Mahalaga rin ang pagkain ng masustansiyang pagkain, pag-inom ng maraming tubig, at pagkakaroon ng sapat na pahinga.
Kung magkakaroon ng pagbabago sa pakiramdam gaya ng hirap sa paghinga, kailangan itong agad ipaalam sa barangay response team upang maisugod sa ospital.
Babala naman ng DOH, bawal mag-self medicate at huwag basta maniniwala sa mga nababasang survival guide dahil maaari pa itong magdulot ng higit na panganib sa kondisyon ng isang pasyente.
“As for the other drugs… Katulad ng mga melatonin, VCO, ivermectin, hindi pa po kumpleto ang mag ebidensya dito sa mga supplement at gamot na mga ito para masabing magamit ito at home,” ang pahayag ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
Ngunit wala nang pinakamabisang proteksyon sa lahat ng ito kundi ang manalangin at humingi ng tulong at awa sa Dios na siyang makapag-iingat sa lahat ngayong may pandemya. – RRD (mula sa ulat ni Correspondent Aiko Miguel)