Trekking activities sa Mt. Pinatubo, ipinagbawal muna

Pansamantalang ipinagbawal ng lokal na pamahalaan ng Capas, Tarlac ang lahat ng tourism at trekking activities sa Mt. Pinatubo matapos itaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang alerto sa bulkan.
Inanunsiyo ito ni Capas Mayor Reynaldo Catacutan ngayong Huwebes matapos itaas ng Phivolcs ang alert level 1 sa Mt. Pinatubo kasunod ng mahigit sa 1,000 mahihinang pagyanig sa paligid ng bulkan.
“Bawal muna po lahat ng trekking, bawal muna po lahat ng turista sa Mt. Pinatubo. So wala munang papasok sa crater ng Mt. Pinatubo dahil tayo po ay itinaas sa alert level 1 ng Phivolcs,” ang pahayag ni Catacutan.
Nitong Enero lang bahagyang binuksan ang trekking activities sa bulkan upang kahit papaano ay makabawi ang lokal na ekonomiya sa gitna ng pandemya.
Sa muling pagsasara ng trekking tourism, apektado ang kabuhayan ng mga tour guide, transient home owners at mga driver ng pinaarkilahang 4×4 vehicles.
Samantala, pinawi naman ng lokal na pamahalaan ang pangamba ng mga nakatira malapit sa bukana ng bulkan.
“Huwag po kayong mag-alala mga kababayan, ito po ay maliit na pagalaw lamang sa ilalim ng crater ng Mt. Pinatubo at halos hindi po ramdam sa kanayunan o sa barangay o mga Aeta village sa taas,” ang pahayag ni Catacutan.
“Huwag lang tayong mag-alala. Ang gawin po natin ay dagdagan po natin ng ating panalangin. Sana ito ay hindi na po lumala at upang hindi na po natin muling maranasan ang klase ng pagputok ng Mt. Pinatubo noong 1991, 29 years ago,” dagdag pa niya.
Taong 1991 nang huling pumutok ang Mt. Pinatubo na itinuturing na pangalawa sa pinakamalakas o pinakamalaking pagsabog ng bulkan sa buong mundo sa nakalipas na 100 taon.
Mahigit sa 800 katao ang napaulat na nasawi sa nasabing pagsabog ng bulkan. – RRD (mula sa ulat ni Correspondent Bryan Lacanlale)