Kaso ni Christine Dacera, “submitted for resolution” na

MANILA, Philippines — Tinapos na ng Makati Prosecutor’s Office ang preliminary investigation ng kasong rape with homicide laban sa mga nakasama ng flight attendant na si Christine Dacera nang araw na siya ay namatay.
Ayon kay Atty. Mike Santiago na abogado ng limang respondent, submitted for resolution na ang kaso kung saan hihintayin na lang ang desisyon ng investigating prosecutor batay sa naipresentang ebidensya ng magkabilang panig.
“This case is already submitted for resolution. Ito’y matapos na magsubmit ang most of the respondents ng kanilang respective rejoinder affidavits,” pahayag ni Santiago.
Inaasahang tatagal ng dalawang buwan bago mailabas ng piskalya ang resolusyon.
Sa pagdining ngayong Miyerkoles (February 17), wala nang karagdagang ebidensya na naibigay ang complainant at hinihintay pa rin nila ang report na ilalabas naman ng National Bureau of Investigation (NBI).
“Hinihintay lang naman namin ‘yong final word na manggagaling sa NBI kung meron man silang findings na iba or iko-collaborate lang nila ‘yong findings dito ng PNP. Either way ang kampo lang naman ni Mrs. Dacera ay naghihintay,” pahayag ni Atty. Jose Ledda, ang abogado ng ina ni Christine na si Sharon Dacera.
Maging ang Philippine National Police (PNP) ay bigo pa ring maibigay ang toxicology report.
Naghain lang ng rejoinder affidavits ang ilan sa mga respondent para sagotin ang reply-affidavit ni Sharon Dacera.
Naniniwala naman ang mga abogado ng mga respondent na madi-dismiss ang kaso dahil walang sapat na ebidensya o probable cause na magdidiin ang kanilang kliyente batay na rin sa medico-legal report ng PNP.
“Positive naman kami na walang matibay na…walang matibay na ebidensya na iprinisenta ang mga complainants maging ang PNP upang maging batayan sa pagsasampa ng anomang kaso,” pahayag ni Santiago.
Sa ngayon, ang tanging hangarin ng lang ng mga respondent ay ang malinis ang kanilang mga pangalan sa kaso. MNP (sa ulat ni Dante Amento)