PNP, hindi magpapatupad ng ‘no vaccine, no entry’ rule sa police camps

Robie de Guzman   •   December 8, 2021   •   129

 

MANILA, Philippines – Hindi magpapatupad ang Philippine National Police (PNP) ng “no vaccine, no entry” policy sa mga sibilyan na papasok sa mga kampo ng pulisya para mag-avail ng kanilang frontline services.

Ayon kay PNP chief Police General Dionardo Carlos, hindi ipinagbabawal ang pagpasok sa kampo ng mga hindi pa bakunadong sibilyan pero paaalalahanan silang palagiang sumunod sa health protocols.

Isasailalim lamang sa screening ang mga bisita at antigen test kung kinakailangan.

“We take their temperature, we do a survey if they have illness or anything that would show that they are infected. So mag-screen kami. After screening, they are okay, we remind them of the minimum health protocol, of the policies inside the camp and then if we need to conduct them antigen, then we screen them with the antigen para lang sigurado po tayo,” ani Carlos.

Kabilang sa frontline services ng PNP ay ang pag-iisyu ng license to own and possess firearms sa FEO, lisensya ng mga security guards at permit ng mga security agency sa SOSIA at clearance ng mga sasakyan sa Highway Patrol Group.

Nauna nang ipinahayag ng PNP ang gagawing pagpapatupad ng no jab, no duty policy sa kanilang mga tauhan. (mula sa ulat ni Correspondent Lea Ylagan)

Self-test kits na aprubado ng FDA, mabibili lang sa mga otorisadong drug outlets – DOH

Robie de Guzman   •   January 25, 2022

MANILA, Philippines – Maaari nang mabili sa mga lisensiyado at aprubadong drug outlets ang dalawang brand ng COVID-19 Antigen Self-test kits, ayon sa Department of Health (DOH).

Ito ay matapos aprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang aplikasyon ng special certification ng dalawang kumpanya para sa self-test kits na tinatawag na Abbot’s Panbio at Labnovation Technologies SARS-CoV2 Antigen rapid test.

Una nang iniulat ni FDA officer in charge Oscar Gutierrez na nabigyan na ng sertipikasyon ang dalawang brand at maaari nang gamitin sa bansa.

“Ang Panbio COVID-19 antigen self-test kit ng Abbot available po siya sa 1, 4, 10, and 20 tests per box. At yung SARS-CoV-2- antigen rapid test ng Labnovation Technologies Incorporated ito po ay self-test for home use din. Available po siya ng 2,5, and 20 tests per box,” ani Gutierrez.

Pero paalala ng Department of Health na may tamang proseso at panahon ang paggamit ng self-test kits upang masegurong tama ang ilalabas nitong resulta.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, mas mainam gamitin ang self-test kits kung may sintomas ang isang tao upang matiyak na accurate ang resulta ng kit.

“Please use it rationally, use it at the right time at tamang proseso. Ibig sabihin gagamit lang po kayo ng test kapag kayo ay nakakaramdam ng sintomas dahil ang antigen test po ay most accurate pa rin kapag kayo po ay nakakaranas ng sintomas dulot ng COVID-19,” ani Vergeire.

Ang panawagan naman ng Infectious Diseases expert na si Dr. Rontgene Solante, bigyang-prayoridad sa paggamit ng test kit ang mga may sintomas at nasa vulnerable population gaya ng mga matatanda upang agad malaman ang kanilang kondisyon at malapatan ng karampatang lunas.

“I-prioritize natin ang paggamit nitong antigen test doon sa mga may symptoms at vulnerable population. Bakit? Because these are the population that are kailangan na kung mag-positive meron tayong gamot na mga anti-viral or monoclonal antibodies para hindi po lalala ang mga infections nila to severe COVID at hindi sila maho-hospitalize,” ani Solante.

May pagkakaiba rin ang Antigen self-test kits sa rapid test kits na kalimitang ginagamit sa mga ospital at laboratory kaya payo ng DOH sa publiko na basahing mabuti ang instructional manual na nakapaloob sa bibilihing test kits.

“Ang kaibahan nito ay iyong pong specimen na kinokolekta. Ito pong mga self-administered test kits usually would have nasal specimens po ang kinukuha. Ibig sabihin kapag nasal specimen, di ganun kalalim sa inyong ilong ang pagkuha ng specimen for this test kits compared doon sa current na kailangan na guided siya ng health worker at mas malalim ang kinukuhang specimens para rito,” ang paliwanag ni Vergeire.

Paalala rin ng DOH na ang self-test kits ay available lamang sa mga otorisadong botika at hindi maaaring bilhin online.

“Bumili lamang ng self-administered test kits na aprubado nf FDA o galing po sa mga FDA-licensed drug outlets para lagi po tayong makakasiguro ana ito ay ligtas at lagi po tayong makakaseguro na makakapagbigya ng accurate na resulta,” ani Vergeire.

Paalala rin ng DOH sa publiko na i-check ang expiration date ng self-test kits at itago ang opisyal na resibo ng botikang pinagbilhan nito.

Sa ngayon ay isinasapinal na ng DOH ang guidelines, kaakibat ang evaluation ng Research Institute for Tropical Medicine at FDA hinggil sa COVID-19 self-test kits.

“Ang kagawaran namn po ng kalusugan are on our final stages dito po sa pagssusulat ng polisiya at guidelines kung paano natin gagamitin ito sa mercado,” ani Vergeire.

“Siguro po within the week makakapaglabas na tayo nitong guidelines natin,” dagdag pa niya.

PNP, ginunita ang kabayanihan ng SAF44 sa ika-7 taon ng Mamasapano clash

Robie de Guzman   •   January 25, 2022

MANILA, Philippines – Ginunita ng Philippine National Police (PNP) ang kabayanihan ng 44 miyembro ng Special Action Force (SAF) na nagbuwis ng kanilang buhay sa Mamasapano clash noong 2015.

Sa ika-pitong anibersaryo ng insidente ngayong Enero 25, muling sinariwa ng PNP ang sakripisyo ng SAF 44 para sa kapakanan ng mas nakararami.

“Exactly seven years ago, these modern-day heroes, donned with their fighting gears, reinforced with their commitment to bring lasting peace to the nation and most of all embraced with their faith to God, they partook in a one-way road towards ensuring peace and order in the country which is exactly the same road to led to the gate of heavens,” ang wika ni Polic Brigadier General Felipe Natividad, ang director ng PNP-SAF.

Ayon kay Natividad, buong tapang na hinarap ng mga nasawing SAF troopers ang bakbakan kaya dapat lang na mapahalagahan ang kapayapaang tinatamasa ngayon.

“’Ihandog ang iisang buhay,’ from the last phrase of the PNP Hymn, PNP Lingkod ng Bayan. This is the very phrase that our Gallant SAF 44 to whom we offer our tribute today, held in their hearts and placed the greatest possible meaning to it. With courage & commitment, they accomplished their mission even though it costed their very lives,” ang pahayag ng opisyal.

Para naman kay Justice Secretary Menardo Guevarra, mahal ang naging kabayaran para magkaroon ng kapayapaan at mamuhay ng walang takot ang pangamba ang mga kababayan natin lalo na sa bahagi ng Mindanao.

Masusuklian lamang aniya ang sakripisyong ito kung hindi gagawa ng anumang labag sa batas ang mga Pilipino, lalo na ang mga pulis.

“They paid the highest cost for the prizes that we enjoy today the gift of living in peace and liberty, part far from harm and free from fear. We repay them and honor their ultimate sacrifice by following their example enforcing the law those who do wrong and ensuring that we ourselves do no wrong,” ani Guevarra.

Sinabi rin ng DOJ chief na naisampa na ang mga kasong direct assault with murder laban sa 88 akusado sa pagpatay sa 44 SAF troopers.

“These cases have been filed not only for exact punishment for the wrongs committed against the 44 whose heroism we remember today, more than exact punishment these cases manifest our trust in the supremacy of our laws,” ani Guevarra.

Magugunitang noong Enero 25, 2015, sinalakay ng SAF ang ilang barangay sa Mamasapano, Maguindanao kung saan nagtatago ang mga wanted na terorista. Isa sa mga subject ng operasyon na si Zulkifli Binhir alyas Marwan ang napatay pero hindi na nakalabas ng buhay ang SAF troopers nang tambangan sila ng umano’y mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), Bangsamoro Islamic Freedom Fighters at private armed groups sa lugar.

Si Marwan ay sinasabing Indonesian terrorist at bomb maker na wanted rin sa ibang bansa.

Maliban sa SAF44, 17 miyembro ng MILF rin ang nasawi, tatlo ang sibilyan at hindi natukoy na bilang ng Muslim rebels.

Sinasabing ang kawalan ng koordinasyon kaugnay ng operasyon, alinsunod sa kasunduan ng MILF at ng pamahalaan, ang naging dahilan umano ng pagkakaroon ng engkwentro.

Kinuwestyon noon ang sinseridad ng MILF sa pakikipagkasundo sa pamahalaan dahil sa presensiya ng mga terorista sa mga lugar na sakop ng grupo.

 

Omicron sub-variant na BA.1 at BA.2 naitala na sa Pilipinas – DOH

Robie de Guzman   •   January 25, 2022

MANILA, Philippines – Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na may napaulat nang kaso ng dalawang sublineage ng Omicron COVID-19 variant sa Pilipinas.

Ang BA.1 at BA.2 ang dalawang sub-variant ng Omicron na unang napaulat sa ibang bansa.

Ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang BA.2 ang predominant ngayon sa mga kasong naitala sa sampung rehiyon sa bansa batay sa pinakahuling whole genome sequencing run.

Ang BA.1 naman aniya ay nakita sa mga nagpositibo sa COVID-19 sa Bicol Region ay returning overseas Filipinos.

Batay sa limitadong datos ukol sa nasabing sublineage, lumalabas na wala naman itong pagkakaiba sa epekto ng parent variant na Omicron.

“Sa ngayon, kailangan natin maipaalala at tandaan ng ating mga kababayan na walang nakitang significant difference sa clinical presentation ang BA.1 at BA.2,” ani Vergeire.

“Kinakailanga pa rin po ng masusing pagaaral dahil limitado pa rin naman ang mga obserbasyo na ating nakukuha,” dagdag pa niya.

Sa kasalukuyan ay nasa 535 ang kaso ng Omicron sa Pilipinas.

Una nang sinabi ng DOH na maituturing nang predominant variant ang Omicron sa National Capital Region at sa iba pang bahagi ng bansa dahil patuloy pa rin ang mataas na kaso ng COVID-19.

REACH US

The Philippine Broadcast Hub

UNTV, 915 Barangay Philam,

EDSA, Quezon City M.M. 1104

(+632) 8396-8688 (Tel)

info@untv-newsandrescue.com (General inquiries)

ABOUT UNTV

UNTV is a major TV broadcast network with 24-hour programming. An Ultra High Frequency station with strong brand content that appeal to everyone, UNTV is one of the most trusted and successful Philippine networks that guarantees wholesome and quality viewing experience.