Quarantine status sa NCR Plus posibleng luwagan sa Hunyo – Roque

Robie de Guzman   •   May 27, 2021   •   353

MANILA, Philippines – Mayroong posibilidad na luwagan ang quarantine status sa National Capital Region (NCR) Plus pagsapit ng buwan ng Hunyo, ayon sa Malakanyang.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, patuloy na ang pagbaba ng kaso ng COVID-19 at nasa low-risk o 43 porsiyento na lang din ang overall healthcare utilization rate sa rehiyon as of May 25.

Kung ang mga ito ang pagbabatayan, sinabi ni Roque na maaaring luwagan ang quarantine status sa greater Manila area pagkatapos ng Mayo 31.

Gayunman, ikino-konsidera rin ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) ang magiging rekomendasyon ng mga lokal na pamahalaan sa NCR Plus areas.

“Everything else being considered, there is a likelihood na mas magluluwag ang ating classification,” ani Roque.

Sa kasalukuyan, ipinatutupad ang general community quarantine with heightened restrictions sa NCR, Bulacan, Cavite, Rizal, at Laguna.

Ayon naman kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairperson Benhur Abalos, suportado ng mga alkalde sa NCR ang unti-unting pagbubukas ng ekonomiya ng bansa basta’t matitiyak pa rin ang kalusugan ng publiko.

“More business activities, taasan ang capacity pero dahan-dahan, so yan po ang napag-usapan ng mga alkalde,” ang wika ni Abalos.

Napagkasunduan rin aniya ng mga alkalde na panatilihin muna ang ipinatutupad na uniform curfew hours mula alas-diyes ng gabi hanggang alas-kuwatro ng madaling araw.

Una nang inirekomenda ng OCTA Research group na palawigin pa ang GCQ status sa NCR Plus dahil mataas pa rin naman ang naitatalang average na COVID-19 cases kada araw.

Sa nakalipas na pitong araw, nasa 1,099 ang average number ng daily COVID-19 cases sa NCR.

Posibleng ianunsiyo ni Pangulong Duterte ang bagong quarantine status para sa NCR Plus at sa iba pang bahagi ng bansa bago o sa mismong Mayo 31.  RRD (mula sa ulat ni Correspondent Rosalie Coz)

70% PUV passenger capacity, papayagan na sa NCR, karatig-probinsiya simula Dec. 9 – LTFRB

Robie de Guzman   •   December 8, 2021

MANILA, Philippines – Ipatutupad na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang ilang pagbabago sa passenger capacity load sa public utility vehicles (PUV) simula sa Huwebes, Disyembre 9.

Ayon sa LTFRB, ang mga pagbabago ay alinsunod sa alituntuning inilabas ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID).

Batay sa LTFRB Memorandum Circular No. 2021-076, nasa 70% na ang papayagang passenger capacity load sa mga PUV sa National Capital Region (NCR) at mga probinsiyang kasama sa Metro Manila Urban Transportation Integration Study (MMUTIS) Update and Capacity Enhancement Project (MUCEP).

Ang mga probinsiyang ito ay kinabibilangan ng Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal.

Para naman sa mga rehiyon na 50% passenger capacity load ang ipinaiiral sa mga PUV ngunit mayroon ng 30% Vaccination Rate ngayong Disyembre, sinabi ng LTFRB na maaari na ring iakyat sa 70% ang kanilang passenger capacity load.

“Sa mga rehiyon na maaari nang maipatupad ang 70% passenger capacity load ngunit hindi pa nakukumpirma ang 30% Vaccination Rate, kailangan magsumite ng Regional Franchising and Regulatory Board (RFRO) ng Memorandum to the Board kasama ang Certification of Vaccination Rate na manggagaling sa Regional IATF o Department of Health (DOH) Regional Office,” ayon sa ahensiya.

Para sa mga inter-regional routes, susundin ang mga sumusunod na alituntunin patungkol sa Passenger Capacity:

  • Mga PUV na bibiyahe papuntang Metro Manila, susundin ang passenger capacity ng rehiyon na pinanggalingan ng PUV
  • Sa mga PUV na bibiyahe mula Metro Manila, susundin ang passenger capacity ng rehiyon na end point ng biyahe
  • Sa mga inter-regional routes na hindi dadaan ng Metro Manila, susundin ang rehiyon na may mas mababang passenger capacity.

Paalala ng LTFRB sa transport operators na sundin ang mga patakaran ng ahensya.

Ang mga mahuhuling lalabag ay papatawan ng kaukulang parusa at multa, at maaaring tanggalan ng certipikasyon.

Epektibo ang polisiyang ito hanggang sa Enero 4, 2022.

Mga infected ng Omicron COVID-19 variant, kinakitaan ng flu-like symptoms – eksperto

Robie de Guzman   •   December 8, 2021

MANILA, Philippines – Pinayuhan ng health experts ang publiko na mag-doble ingat ngayong amihan season dahil panahon rin ito kung kailan nauuso ang flu o trangkaso.

Ayon kay infectious disease expert Dr., Rontgene Solante, ang sintomas ng flu ay pananakit ng ulo at katawan, pagkakaroon ng sipon, ubo, at lagnat, at mabilis mapagod.

Aniya, ang mga sintomas na ito ay may pagkakatulad sa COVID-19, maliban sa pagkawala ng panlasa at pang-amoy ng isang pasyente.

Kapag nakaramdam ng mga katulad na sintomas, payo ng mga eksperto na agad mag-isolate, kumonsulta sa doktor at ipagpalagay na mayroon kang COVID-19 sa gitna rin ng pandemya.

“You need to be tested and the priority in doing the test is the COVID-19 test… lahat pa rin mag-ingat sa bahay, magpa- test kung kailangan especially para malaman natin kung influenza ba iyan or COVID virus and everybody should obey the health protocols,” ani Solante.

“They should isolate themselves, they should be tested. If the test is negative they can be lifted out of isolation,” dagdag pa niya.

Iginiit rin ni Solante ang kahalagahan ng agarang pag-isolate dahil ang sintomas ng flu ay kapareho rin ng mga ipinapakitang sintomas ng mga taong dinapuan ng Omicron variant ng COVID-19.

Batay sa pinahuling impormasyon mula sa World Health Organization, sinabi ni Solante na tila mild symptoms ang nakita sa mayorya sa mga pasyenteng nagpositibo sa Omicron variant sa South Africa.

Karamihan aniya sa mga pasyente roon ay nasa 50 taong gulang at pababa kaya mild ang nakitang sintomas dahil kaya pa itong labanan ng kanilang pangangatawan.

Nasa 10% rin umano ng mga naitalang kaso ng Omicron variant sa South Africa ay sa hanay ng mga bata.

“COVID-19 is more transmissible especially the Omicron variant compared to influenza; and second is that if there will be vulnerable people within the family that have high risk in developing severe symptoms like 60 y/o and above or those with comorbidities they will have higher risk of more severe,” ani Solante.

Pero paglilinaw nito, preliminary data pa lamang ito at hindi pa kumpleto ang impormasyon hinggil sa epekto ng bagong tuklas na coronavirus variant, partikular na sa mga immunocompromised individuals.

Sa datos mula sa South African Medical Association, sinasabing ang mga dinapuan ng Omicron variant ay hindi nakaranas ng pagkawala ng panlasa o pang-amoy na kalimitang sintomas ng COVID-19.

Hindi rin umano tumaas ang pulse rate ng mga pasyente at hindi rin nangailangan ng oxygen supply.

Ang mga nagpositibo sa Omicron ay dumaing ng pananakit ng ulo at katawan, at slight sore throat na kagaya ng sintomas ng flu.

Lumalabas sa inisiyal na pag-aaral na iba ang sintomas ng mga nagpositibo sa Delta variant kumpara sa Omicron variant.

“It’s totally different from the Delta especially in regards of the loss of smell, taste, oxygen requirement as well as… elevated pulse rate. The symptoms are quite easy, very much like a cold or a flu type of symptoms,” ani Dr. Angeline Coetzee, ang pinuno ng South African Medical Association.

“What we observed are body aches, muscle pains and headaches and fatigue for 1-2 days, slight sore throat,” dagdag pa niya.

Batay pa sa mga inisyal na impormasyon, maaaring maapektuhan ng omicron ang bisa ng COVID-19 vaccines kaya’t makapagbibigay ng dagdag proteksyon ang booster dose.

Highly transmissible rin ang Omicron pero hindi ito nakakapagdulot ng severe infection kumpara sa Delta variant.

Ngunit paglilinaw ng mga dalubhasa, inisyal pa lamang ang mga obserbasyong ito at nagpapatuloy pa ang kanilang pag-aaral sa naturang variant.

Maglalabas ang World Health Organization ng konkretong pag-aaral ukol sa variant sa mga susunod na araw upang magsilbing gabay sa mga bansa sa pagsupil sa pagkalat ng nasabing COVID-19 variant. (mula sa ulat ni Correspondent Aiko Miguel)

PNP, hindi magpapatupad ng ‘no vaccine, no entry’ rule sa police camps

Robie de Guzman   •   December 8, 2021

 

MANILA, Philippines – Hindi magpapatupad ang Philippine National Police (PNP) ng “no vaccine, no entry” policy sa mga sibilyan na papasok sa mga kampo ng pulisya para mag-avail ng kanilang frontline services.

Ayon kay PNP chief Police General Dionardo Carlos, hindi ipinagbabawal ang pagpasok sa kampo ng mga hindi pa bakunadong sibilyan pero paaalalahanan silang palagiang sumunod sa health protocols.

Isasailalim lamang sa screening ang mga bisita at antigen test kung kinakailangan.

“We take their temperature, we do a survey if they have illness or anything that would show that they are infected. So mag-screen kami. After screening, they are okay, we remind them of the minimum health protocol, of the policies inside the camp and then if we need to conduct them antigen, then we screen them with the antigen para lang sigurado po tayo,” ani Carlos.

Kabilang sa frontline services ng PNP ay ang pag-iisyu ng license to own and possess firearms sa FEO, lisensya ng mga security guards at permit ng mga security agency sa SOSIA at clearance ng mga sasakyan sa Highway Patrol Group.

Nauna nang ipinahayag ng PNP ang gagawing pagpapatupad ng no jab, no duty policy sa kanilang mga tauhan. (mula sa ulat ni Correspondent Lea Ylagan)

REACH US

The Philippine Broadcast Hub

UNTV, 915 Barangay Philam,

EDSA, Quezon City M.M. 1104

(+632) 8396-8688 (Tel)

info@untv-newsandrescue.com (General inquiries)

ABOUT UNTV

UNTV is a major TV broadcast network with 24-hour programming. An Ultra High Frequency station with strong brand content that appeal to everyone, UNTV is one of the most trusted and successful Philippine networks that guarantees wholesome and quality viewing experience.