Persona: Sino si Digong at sino si Pangulong Rodrigo Duterte?

“Change is coming.”

Katagang nakakabit na sa pangalan ng bagong halal na Pangulong Rodrigo Duterte na mas kilala sa palayaw na Digong o sa mas kolokyal na DU30.

Kilala sa paborito niyang polong Brown o kayumanggi at checkered napula’t asul; parating nakahalukibkib o kaya nakapalumbaba; sa mga salita niyang nagmarka, parang karne na hindi mo agad mangunguya kung balat-sibuyas ka – at sa unang tingin pa lang, siya ‘yung pinunong hindi basta-basta.

Mga larawan, balita at kabi-kabilaang sulatin patungkol sa kanya, mga usaping nagsisisulputan bago pa man siya manumpa; at para sa isang tipikal na Pilipino, gaano mo nga baka kakilala ang susunod na mamumuno sa bansa?

Pagtatanim

Gaya ng isang halaman, nagsisimula ang lahat sa binhi, ang angkang Duterte ay lulan ng Cebu.

Taong 1950 nang lisanin ng kanyang ama na si Vicente Duterte ang Cebu at mapadpad ng Davao. Ang  kanyang ama ay nanilbihang gobernador ng Davao habang ang kanyang ina na si Solded Roa Duerte ay isang guro.

Ika-28 ng Marso 1945, tubong Maasin, Southern Leyte, sa bayan ng Davao – sumibol ang isang Rodrigo Roa Duterte at siya na siguro ang isa sa taong kilala na ng halos lahat.

Sa pagtungtong niya ng  kolehiyo, tinawid niya mula Davao papuntang Maynila kung saan ay nagsimula siya  sa Lyceum of the Philippines sa linya ng mga batas ngunit sa San Beda College na siya nagpatuloy at nagtapos ng kanyang kurso. Mula sa ikatlong yugto ng kanyang pagaaral, agad siyang kumuha ng bar exam naipasa ito.

Pagsibol ng Isang Mayor Duterte

Sa kanyang kabataan, mas pinili niya noong makipagkaibigan sa mga “tigasin” at mga karaniwang tao sa kanilang lungsod na kung saan ay nagbukas sa kanya ng kalayaan at karanasan upang mas mapalapit sa masa.

Hindi maitatangging ang diwa ng politika at panunungkulan ay nasa dugo na ng mga Duterte at ito nga marahil ang naitanim sa isang Rodgrigo Roa Duerte. Mula sa kanyang ama na dating gobernador ng Davao at naging alkalde ng Danao City sa Cebu, si Vicente Duterte; ang kanyang pinsan na si Ronald naman ay nanilbihan bilang alkalde ng Cebu mula 1983 hanggang 1986; habang ang ama ni Ronald na si Ramon Duterte ay humawak rin ng katungkulan mula 1957 hanggang 1959; at maibibilang din ang mga angkang Almedra at Durano mula sa kanilang mga kamag-anak sa Cebu sa linya ng politika.

Gayunpaman, hindi niya talaga noon pinangarap maging isang mayor. Matapos niyang maipasa ang bar exam, nanilbihan muna si Mayor Duterte bilang special counsel ng pamahalaang lungsod at naging assistant city fiscal.

Mula pa taong 1986, hindi na nawala sa katungkulan si Mayor Rodrigo Duterte at naging aktibo sa paninilbihan bilang nailuklok na bise alkalde ng matapos ang People Power Revolution. Naglagak naman siya ng mga kinatawang alkalde para sa hanay ng Moro at Lumad. Naupo rin siya bilang kongresista, tumakbong alkalde, bise alkalde at muling naging alkalde ng Davao.

Nagkamit siya ng sari-saring parangal gaya ng National Literacy Hall of Fame mula sa pag-ani niya ng tatlong beses na pagkilala sa kanya sa kategoryang “Outstanding Local Government Highly Urbanized.”

Kilala ang Davao City noon bilang “murder capital” ng bansa, naging malaki ang pagbabagong tinatamasana ngayon ng Davao na kapayapaan at kaayusan na kung saan ay kinikilala na ito ngayon hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa ibang bansa sa pagiging “the most peaceful city in Southeast Asia.” Bunga na rin ng pitis na pagpapatupad ng mga batas ng lokal na pamahalaan kaalinsabay ng buong suporta ng kanilang Mayor Duterte. Kinilala rin ang husay sa implementasyon ng mga batas gaya ngliquor ban mula ala una ng madaling araw hanggang alas otso ng umaga; pag-oobliga sa mga establisimyentong komersyal na magkaroon ng CCTV cameras; at mahigpit na pagbabantay sa speed limits sa mga sasakyan sa lungsod.

Hindi maitatanggi lalo na ng mga taga-Davao ang iba’t ibang mukha ng paghanga at pagmamahal nila sa mayor lalo na sa pagiging mapagmalasakit nito. Matapos manalasa ang Bagyong Yolanda, isa ang Davao sa mga nanguna sa pagpapaabot ng ayuda at rumisponde mula sa hanay ng lokal na pamahalaan.

Ang administrasyong Duterte ay sumisimbolo bilang isang kamao na maaaring magbunga alinman sa dalawa: una riyan ay ang kamao na siyang susuntok o pupukol sa napakaraming suliraning kinakaharap ng bansa, o ang pangalawa ay ang kamao na susuntok na lamang sa buwan.

Gaya ng isang halamang nagsimula sa binhi hanggang ito ay lumaki at lumagi na nagbunga ng panibagong bilang nga mga binhing ipakakalat sa buong termino. Gayunpaman, ang isang lider ay wala kung walang mamamayang gumagawa rin ng bahagi nila. Masasabing ang dating mayor ng Davao ay mayroong mga kaugaliang magiging dahilan para mahalin o kahangaan mo siya o hindi. Ika nga, walang perpektong pinuno, lahat may butas, lahat may bahaging ikasisira. Ngunit sa isang banda, ang bawat bagay ay may kapanahunan sa paggawa, may dapat kalagyan. Hindi sa lahat ay aaraw, hindi rin sa lahat ng panahon ay uulan. Tunay ngang-kaabang-abang ang paparating na pagbabago sa bansang Pilipinas. At gaya ng isang halamang itinanim, nawa’y mapangalagaan ito at hindi kailanmang hayaang malanta.

Ang Pangulong si Rodrigo “Digong” Roa Duterte bilang isang mamamayan ng kanyang bansang ngayon ay nasasakupan; maging sino ka man.

 

Sources:

http://www.rappler.com/nation/politics/elections/2016/118670-rodrigo-duterte-alan-cayetano-platform

http://successstory.com/people/rodrigo-roa-duterte

http://www.telegraph.co.uk/news/2016/05/08/philippines-poised-to-elect-tough-talking-punisher-rodrigo-duter/

http://doonposaamin.ph/articles/people-to-meet/6-things-you-need-to-know-about-davao-city-mayor-rodrigo-duterte

http://www.filipiknow.net