Anak nila Gerardo Roxas Senior at Rosario Acuña. Isinilang noong unang araw ng Enero, 1892 sa lalawigan ng Capiz.
Bago maging Pangulo, maraming posisyon sa gobyerno ang kanyang pinagdaanan.
Nagsimula ang kanyang pagsisilbi bilang halal na Konsehal ng Capiz.
Matapos nito ay naging pinakabatang gobernador naman ng kanyang probinsya.
Napabilang din si Roxas sa mababang kapulungan ng Kongreso kung saan sa loob ng 12 sunod-sunod na taon ay nagsilbi siya bilang Speaker of the House.
Bukod sa mga iyan, naging miyembro rin si Roxas ng Constitutional Convention, Secretary of Finance, tagapangulo ng National Economic Council at National Development Company, Brigadier General ng United States Army Forces in the Far East, Guerilla Leader at Military Leader ng Philippine Commonwealth Army.
Naihalal din siya bilang senador ng bansa kung saan siya ang napiling maging tagapangulo ng Senado.
Nang sumunod na taon, bago ganapin ang halalang pampanguluhan, tumiwalag si Roxas at ang ilan niyang mga kaibigan sa Nacionalista Party upang buoin ang Partido Liberal.
Si Roxas ang naging kandidato ng partidong ito para sa pagka-pangulo.
Nakalaban niya sa halalang iyon si Pangulong Sergio Osmeña na tumatakbo para sa kanyang ikalawang termino.
Nanalo si Roxas nang makakuha siya ng 54% ng kabuuang boto. Nanumpa siya bilang Pangulo noong ika- 28 ng Mayo, taong 1946.
Ilang buwan matapos ang pag-umpisa ng kanyang termino, naiproklama ang Kasarinlan ng Pilipinas mula sa Estados Unidos. Ito ang dahilan kung bakit si Roxas ay tinaguriang huling pangulo ng Commonwealth at unang pangulo ng Ikatlong Republika ng Pilipinas.
Lugmok sa problema ang bansa sa pag-uumpisa ng kanyang panunungkulan.
Matindi ang tinamong pinsala ng bansa sa giyera.
Sa pamamagitan ng ayuda mula sa United Nations at pag-utang sa Estados Unidos, nasimulan agad ang mga proyekto para sa muling pagsasaayos ng mga nasirang istraktura tulad ng mga kalsada at paaralan.
Sa admnistrasyon din ni Roxas nagbuo ang konsepto ng pagtatatag ng Bangko Sentral ng Pilipinas upang mapayabong ang ekonomiya ng bansa.
Dagdag pa r’yan, tinutukan din ni Roxas ang Sektor ng Agrikultura. Ipinroklama niyang gawing epektibo sa buong bansa ang Rice Share Tenancy Act of 1933, na sinusugan ng Republic Act 1946 o ang Tenant Act.
Ipinagkaloob din ni Roxas ang amnestiya sa lahat ng mga kinasuhan at sinasabing nakipagsabwatan sa mga Hapon, kabilang na si dating Pangulong Jose P. Laurel.
Ang desisyong ito ni Pangulong Roxas ay nagbunga ng muling pagkakaisa ng mga Pilipino.
Bagama’t pagbangon ang naging tema ng bawat pagkilos ng Administrasyong Roxas, binalot naman ito ng mga kontrobersiya. Kabilang dito ang kurapsyon sa kanyang pamahalaan at ang pang-aabuso ng militar sa kanayunan na nagpaigting muli sa kilusang makakaliwa – ang Hukbo ng Bayan Laban sa Hapon o HUKBALAHAP, na pinamumunuan ng kanilang supremong si Luis Taruc.
Sa kasaysayan, ang dalawang problemang ito ang naging mantsa sa magandang pamamalakad sa kanyang gobyerno.
Hindi natapos ni Pangulong Roxas ang kanyang termino. Noong ika-15 ng Abril 1948, matapos ang kaniyang talumpati sa Clark Field, Pampanga, inatake sa puso si Roxas at namatay sa araw ding iyon.
Manuel Roxas, ang Ikalimang Pangulo ng Pilipinas.