Corazon Aquino

Ang kauna-unahang babaeng pangulo ng bansa. Tinawag na “Tita Cory” ng ordinaryong Pilipino, binansagan din siyang “Mother of Philippine Democracy” at ang “Joan of Arc” modernong panahon.

Sari-saring parangal ang kanyang tinanggap habang at pagkatapos niyang magsilbi bilang presidente ng bansa. Kabilang na rito ang Time Magazine Woman of the Year, Eleonor Roosevelt Human Rights Award, United Nations Silver Medal, Canadian International Prize for Freedom, Ramon Magsaysay Award for International Understanding, One of Time Magazine’s 20 Most Influential Asians of the 20th Century, World Citizenship Award, Martin Luther King Junior Non-Violent Peace Prize at United Nations Development Fund for Women.

Malaki ang inasahan ng Sambayang Pilipino kay Cory Aquino, kahit pa nga simpleng maybahay lang siya bago maihalal bilang pangulo.

Nang maupo sa kanyang posisyon, itinatag niya ang rebolusyonaryong gobyerno, habang hinihintay na maratipikahan ang 1987 Constitution.

Nakita rin niya bilang banta sa kapangyarihan ng bansang may kasarinlan ang pananatili ng base military ng mga Amerikano kung kaya’t ini-utos niyang lisanin ng mga Amerikano ang military bases nila sa Zambales at Pampanga.

Kabilang pa sa mga ginawa niya na naging tatak ng kanyang administrasyon ang pagrereporma sa Family Code of the Philippines at ang pagbabago ng istraktura ng Ehekutibong Sangay ng Gobyerno sa pamamagitan ng Administrative Code of 1987. Ganito rin ang kaniyang ginawa sa Korte Suprema upang mapanumbalik ang pagiging independiyente nito.

Nakita ni Tita Cory na napakaraming dapat gawin matapos ang mahigit dalawang dekadang pamumuno ni Pangulong Marcos. Kabilang sa una niyang pinagtuunan ng pansin ang pagbabayad sa noo’y 26 na bilyong dolyar na utang ng bansa. Bagama’t hindi ito naging isang popular na desisyon, para kay Aquino, ang pagbabayad ng mga utang na ito ang pagpapanumnalik ng magandang reputasyon ng Pilipinas sa mga mamamumunuhan sa buong mundo.

Sa kanyang pamumuno, binuwag ang mga cartel at monopolya. Ibinukas din ang merkado sa mga nais mag-negosyo, banyaga man o lokal na negosyante. Upang mapunan ang lumobong kakulangan sa pondo ng bansa, isina-pribado ang ilang korporasyon na pag-aari ng gobyerno.

Naging pamana ng Administrasyong Aquino ang mga proyekto kaugnay ng sektor ng agraryo. Noong 1988, sa suporta na rin ni Tita Cory, ipinasa ng Kongreso ang Republic Act Number 6657 o ang Comprehensive Agrarian Reform Law na nagbigay-daan sa pamamahagi ng mga lupaing agrikultura sa mga “tenant-farmers” mula sa mga may-ari nito.

Hindi naging madali ang anim na taong panunungkulan ni Pangulong Cory Aquino. Sa kabila ng mga positibong nai-ambag ng kanyang administrasyon sa bansa, hindi maikakaila na ang electric power shortage ang isang negatibong aspeto ng kanyang pamumuno na hindi nalilimutan ng ilan nating mga kababayan. Maraming negosyo kasi ang lubhang naapektuhan nito.

Bukod pa r’yan, ilang beses din na nagkaroon ng pagtatangkang agawin sa kanya ang pagkapangulo ng pamamaraan ng kudeta, nagkaroon din ng matitinding kalamidad dulot ng bagyo, lindol at ng pagsabog ng Bulkang Pinatubo.

Sa pagtatapos ng kanyang termino, may mga humimok kay Aquino na muling tumakbo sa pagka-pangulo. Subalit tinanggihan na niya ito at nag-endorso na lamang ng kanyang kandidato.

Matapos na bumaba sa kaniyang pwesto, naging abala si Cory sa pagpipinta at pagdalo sa mga pagpupulong sa ibang bansa.

Noong March 24, 2008, inanunsyo ng kaniyang pamilya na ang dating Pangulo ay may sakit na colorectal cancer.

Unang araw ng August 1, 2009, binawian ng buhay si dating Pangulong Cory Aquino sa edad na 76.

Ang paghahatid sa kaniyang huling hantungan ang isa sa pinaka-dinagsang libing sa kasaysayan ng bansa, na nagpapakita lamang na sa kabila ng kanyang pagkamatay, ang “Cory Magic”ay nananatiling buhay.

Corazon Cojuangco Aquino, ang ika-labing isang Pangulo ng Pilipinas.

Ibang Pangulo

Benigno Aquino III

Termino : 2010-2016

Gloria Macapagal-Arroyo

Termino : 2001-2010

Joseph Estrada

Termino : 1998-2001

Fidel Ramos

Termino : 1992-1998

Ferdinand Marcos

Termino : 1965-1986

Diosdado Macapagal

Termino : 1961-1965

Carlos P. Garcia

Termino : 1957-1961

Ramon Magsaysay

Termino : 1953-1957

Elpidio Quirino

Termino : 1948-1953

Manuel Roxas

Termino : 1946-1948

Sergio Osmeña

Termino : 1944-1946

Jose P. Laurel

Termino : 1943 - 1945

Manuel Quezon

Termino : 1935 - 1944

Emilio Aguinaldo

Termino : 1897-1902