Bukod sa konstitusyon, ang mga kapangyarihan ng Pangulo ng Pilipinas ay ispesipikong nakasaad sa Executive Order No. 292, s. 1987, na kilala rin bilang Administrative Code of 1987. Ang mga sumusunod na kapangyarihan ay:
- Kapangyarihang pamahalaan ang ehekutibong sangayAng Pangulo ay may atas na pamahalaan ang lahat ng ehekutibong kagawaran, kawanihan, at tanggapan. Kasali rito ang pagbabago ng estruktura at paghirang ng mga pinuno para sa mga nabanggit. Inaatasan din ng Administrative Code ang Pangulo na tiyaking mahigpit na ipinatutupad ng mga opisina ang kani-kanilang batas.
- Kapangyarihag gumawa ng mga ordinansaAng Pangulo ay may kapangyarihang maglabas ng mga lathalaing tagapagpaganap o executive issuances na kasangkapan sa upang maging mas epektibo ang mga patakaran at programa ng administrasyon. May anim na executive issuance na maaaring ilabas ng Pangulo. Ito ang mga sumusunod ayon sa pakahulugan ng Administrative Code of 1987:
Kautusang tagapagpaganap (executive order) — Isinusulong ng executive order ang mga kilos ng Pangulo kung saan nagtatakda siya ng tuntunin, pangkalahatan man o permanente, kung paano ipatutupad ang mga kapangyarihang itinakda ng batas.
Kautusang pampangasiwaan (administrative order) — Upang matupad ng Pangulo ang tungkulin bilang punong administrador, isinusulong ng administrative order ang mga kilos ng Pangulo ukol sa mga partikular na aspekto ng gawaing pampamahalaan.
Proklamasyon (proclamations) — Ang mga kilos ng Pangulong nagsasaayos ng petsa o nagdedeklara ng kalagayang pampubliko, kung saan nakadepende ang pagpapatupad ng isang ispesipikong batas o regulasyon, ay isusulong sa mga proklamasyon na may bisa ng executive order.
Kautusang memorandum (memorandum orders) — Kakatawanin ng mga memorandum order ang mga kilos ng Pangulo hinggil sa mga usaping pang-administratibo, pangnakabababa, o pansamantala lamang, na ukol sa isang partikular na opisyal o tanggapan lamang.
Memorandum sirkular (memorandum circular) — Kakatawanin ng mga memorandum circular ang mga kilos ng Pangulo hinggil sa mga usaping may kinalaman sa panloob na administrasyon, na nais ipabatid ng Pangulo sa lahat o ilang mga kagawaran, ahensya, kawanihan, o tanggapan bilang impormasyon o kautusan.
Panlahatan o tanging atas (general or special orders) — Ilalabas bilang general o special order ang mga kilos at kautusan ng Pangulo bilang punong komandante ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas.
Mahalagang pagtuunan ng pansin na sa termino ni Pangulong Ferdinand E. Marcos, gumamit siya ng mga executive issuance na kilala bilang presidential decrees bilang isang anyo ng paglikha ng mga batas. May kapangyarihan at bisa ng batas ang mga dekretong ito dahil noong mga panahong iyon, walang umiiral na lehislatura, at noong tuluyang binigyang-bisa ang 1973 Konstitusyon, binigyan nito ng gayong kapangyarihan ang Pangulo. Nagpatuloy ito hanggang sa unang taon ng termino ni Pangulong Corazon C. Aquino. Gayumpaman, mayroon lamang bisa ng batas ang mga executive order ni Pangulong Aquino hanggang bago ipinagtibay ang 1987 Konstitusyon.
- Kapangyarihan sa mga dayuhanAng Pangulo ng Pilipinas ay may kapangyarihan sa mga dayuhang nasa Pilipinas. Ang mga kapangyarihang maaari niyang gamitin sa kanila habang nasa bansa ay ang sumusunod:
Maaaring magpaalis ng mga dayuhan mula sa bansa ang punong ehekutibo pagkatapos idaan sa wastong proseso.
Maaaring baguhin ng Pangulo ang estado ng isang dayuhan, ayon sa nakasaad sa batas, mula pagiging non-immigrant para maging permanenteng residente nang hindi nangangailangan ng visa.
Maaaring ipawalang-bisa ng Pangulo ang desisyon ng Lupon ng mga Komisyoner (Board of Commissioners) ng Kawanihan ng Imigrasyon (Bureau of Immigration) bago ito maging pinal at tuluyang maipatupad (30 araw matapos ang paglalabas ng desisyon). Hawak ng Board of Commissioners ang pasya sa lahat ng kaso ng deportasyon.
Inaatasan din ng Administrative Code of 1987 ang Pangulo na gamitin ang kanyang kapangyarihan sang-ayon sa mga prinsipyong katanggap-tanggap sa pandaigdigang batas. - Kapangyarihan ng eminent domain, escheat, pagrereserba ng lupa at pagbawi ng yamang mula sa masamaMay kapangyarihan ang Pangulo ng Pilipinas na ipatupad ang prinsipyo ng eminent domain. Sinasabi ng eminent domain na may kapangyarihan ang pamahalaang kunin nang may makatarungang bayad ang pribadong ari-arian para sa pambayang pangangailangan. Gayumpaman, may dalawang probisyon sa konstitusyon na nililimitahan ang paggamit ng naturang kapangyarihan: nakasaad sa Artikulo III, Seksyon 9 (1) ng Konstitusyon na walang sinuman ang pagkakaitan ng kanyang buhay, kalayaan, o ari-arian nang hindi dumaraan sa wastong kaparaanan ng batas. Bukod doon, nakasaad din sa Artikulo III, Seksyon 9 (2) na hindi maaaring kunin ang pribadong ari-arian nang walang makatarungang bayad.
Sa oras na matugunan ang mga nabanggit na kondisyon, maaaring gamitin ng Pangulo ang mga sumusunod na kapangyarihan ng eminent domain:
Kapangyarihan ng eminent doman — Tutukuyin ng Pangulo ang panahong kakailanganin o makabubuting gamitin ang kapangyarihan ng eminent domain sa ngalan ng pamahalaan, at atasan ang solisitor heneral, sa panahong tingin niya’y pinakamainam, na maghain ng pagdinig sa hukuman ukol sa legal na pagkuha ng mga ari-arian.
Kapangyarihang mag-atas ng escheat o pagbabalik ng lupa sa pamahalaan — Aatasan ng Pangulo ang solisitor heneral na magsagawa ng escheat, o pagdinig sa hukuman kung saan ibabalik sa pamahalaan ang pagmamay-ari ng lahat ng lupaing hawak ng mga taong diskuwalipikado sa ilalim ng konstitusyon na magmay-ari ng lupa.
Kapangyarihang magreserba ng mga lupain mula pampubliko at pampribadong ari-arian —
(1) May kapangyarihan ang Pangulong magreserba ng mga lupain mula sa ari-ariang pambayan para sa tirahan o kapakinabangan ng publiko at iba pang mga ispesipikong gamit, ayon sa pahintulot ng batas. Pagkatapos noon, mananatiling nasa ilalim ng mga ispesipikong gamit para sa publiko ang nireserbang lupain, hangga’t naaayon sa batas.
(2) May kapangyarihan din siyang magreserba ng mga ipinagbibiling lupain galing sa mga pribadong ari-arian, o lupain ng mga prayle, at gamitin para sa kapakanan ng publiko, ayon sa pahintulot ng batas.
Kapangyarihan sa mga yamang galing sa masama — Aatasan ng Pangulo ang solisitor heneral na kumilos upang mabawi mula sa mga opisyal o empleado ng pamahalaan ang mga ari-ariang iligal na inari nila, o mula sa mga pinagbigyan o pinagpasahan nila nito.
Sa panahong itinakda ng konstitusyon, o anumang palugit na isinaad doon, may kapangyarihan ang Pangulo na bawiin ang mga ari-ariang kinamkam ng mga pinuno at tagasuporta ng nakaraang rehimen, at pangalagaan ang interes ng mga mamamayan sa pagsamsam o paghawak sa mga ari-ariang ito.
- Kapangyarihang maghirang sa posisyonMaaaring magtalaga ang Pangulo ng mga opisyal ng pamahalaan ng Pilipinas ayon sa nakasaad sa konstitusyon at mga batas ng Pilipinas. Gayumpaman, maaaring kailanganin ng ilan sa mga paghirang na ito ang pagsang-ayon ng Committee on Appointment o Komisyon sa Paghirang (isang komiteng binubuo ng ilang mga kasapi ng Kamara de Representantes at ng Senado ng Pilipinas).
- Kapangyarihang pangasiwaan ang mga pamahalaang lokalMay atas ang Pangulo, bilang punong ehekutibo, na pangasiwaan ang mga pamahalaang lokal sa bansa, sa kabila ng kanilang awtonomong estado ayon sa nakasaad sa Republic Act No. 7160 na kilala rin bilang Local Government Code of 1991.
Nakagawian nang pangasiwaan ang mga ito ng Department of Interior and Local Government (Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal) na pinamumunuan ng isang kalihim ng gabinete—ang tumatayong kinatawan ng Pangulo.
- Iba pang mga kapangyarihanBukod sa mga nabanggit na kapangyarihan ng Pangulo ng Pilipinas, maaari din siyang magpatupad ng mga kapangyarihang nakasaad sa konstitusyon at batas.
SOURCE:http://www.gov.ph/about/gov/ang-ehekutibong-sangay/